BIR ikakandado Megaworld

NEWS

Iniimbestigahan ng Bureau of Internal Revenue ang Megaworld Corporation ng bilyonaryong si Andrew Tan upang malaman kung sapat ang binayaran nitong buwis nang magbenta ang kompanya ng property.

Sa pahayag ni BIR regional director Eduardo L. Pagulayan Jr., tumanggi umano ang Megaworld na magpa-audit sa BIR at napag-alaman ng ahensiya na hindi sumunod ang kompanya sa obligasyon nitong mag-report at sumunod sa mga regulasyon sa buwis.

Sabi ni Pagulayan, sapat na basehan na ito para ipasara ang Megaworld.

Nabatid na noong lumapit umano ang Megaworld sa BIR matapos mabalitaang iisyuhan sila ng closure order, agad kinausap ng kompanya ang ahensiya kaya’t hindi natuloy ang pagpapasara nito.

Ayon kay Pagulayan, isinantabi ang pagsasara sa kompanya nang pumayag na magpa-audit ang Megaworld kaya’t binubusisi na ngayon gn BIR ang mga dokumento nito.

“Last Wednesday, it was resolved that Megaworld will now comply with the audit. Hence, closure was set aside. Now, investigation is ongoing,” sabi ni Pagulayan.

Sakop ng Large Taxpayers Service ng BIR ang Megaworld ngunit ang mga one-time transaction tulad ng pagbenta ng lupa ay nasa ilalim naman ng mga regional office.

Samantala, umabot na sa P298.25 milyon ang ginastos ng Megaworld para bilhin ang sarili nitong shares sa Philippine Stock Exchange (PSE) simula noong May 17 (Martes) matapos kumalat ang balitang iisyuhan ito ng closure order ng BIR.

Bulusok ang presyo ng shares ng Megaworld sa P2.48 per share nitong Martes samantalang nagsara ang bentahan nito sa P2.80 per share noong Lunes.(Eileen Mencias)