Higit toneladang isda patay sa ulan

NEWS

BULACAN – Nasa mahigit isang toneladang isda ang namatay nang minsang umulan nitong Linggo ng gabi sa humigit sampung hektaryang palaisdaan sa bayan ng Obando. Sa panayam sa mangingisdang si Mark Joshua Cubacob, 23, ng Barangay Tawiran, bandang 4:41 ng hapon nitong Lunes nang tumambad sa kanila ang mga patay na kabase at bidbid. Ayon kay Cubacob, posibleng nawalan ng oxygen ang mga isda matapos na mabulabog ng ulan ang palaisdaan dahilan ng pagkamatay ng mga ito. Aniya, nangyari na ang ganitong insidente noong taong 2020 at ngayon na lamang nangyari muli. Dagdag pa niya, mula sa dating P1,500 hanggang P2,000 per banyera na sariwang kabase ang presyo nila sa palengke ay naibebenta na lamang ang mga isdang namatay sa halagang P150 per banyera bilang pagkain ng hito o catfish. Dahil dito, maraming mangingisda ang naapektuhan ng fishkill na hanggang ngayon ay naghihintay ng tulong mula sa lokal na pamahalaan. Dick Mirasol III