Mga buwaya, unti-unti na raw sinasakop ang lugar ng mga tao sa isang barangay sa Tawi-tawi

NEWS

Balot ngayon ng takot ang mga residente sa isang barangay sa Bongao, Tawi-Tawi. Ang kanila kasing mga alagang hayop, inatake umano ng mga buwayang nakakarating na sa kabahayan ng mga tao.

Ayon sa mga residente ng Barangay Pagasinan sa Bongao, unti-unti nang sinakop ng mga buwaya ang kanilang lugar. At nangangamba sila sa kanilang kaligtasan, lalo na sa mga bata.

Dati umanong nakikita lamang ang mga buwaya sa bakawan. Pero ngayon, madalas na silang makita sa silong ng mga bahay na nakatayo nasa ibabaw ng tubig. May pagkakataon pang nakikita na rin sila na nasa daanan ng mga tao.

Kuwento ng residenteng si Ferwina sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nagsimula raw dumami ang mga buwaya sa kabahayan noong magkaroon ng pandemic.

“Marami silang kinakain tulad ng mga alaga naming pusa at aso,” sabi ni Ferwina.

Ang isa pang residente na si Norman, sinabing ang alaga naman niyang manok ang inatake ng buwaya.

“Hindi na ako masyadong makahanapbuhay kasi natatakot na ako para sa pamilya ko,” ayon kay Norman.

Ang residenteng si Abdukahil, nasakmal ng buwaya habang papunta siya sa kusina.

“Alas kuwatro ng umaga, magdadala kami ng asawa ko ng agar-agar sa Bongao. Pagpunta ko sa kusina para doon sana maligo, kinagat ako ng buwaya,” kuwento niya.

Pinilit na lang ni Abdukahil na kumapit sa kahoy para hindi siya tuluyang makuha at matangay ng buwaya.

“Hindi na ako makasigaw. Nakagat, nangatngat, masakit,” saad ni Abdukahil na nagtamo ng malaking sugat sa likod ng hita.

Dahil sa paligro ng sitwasyon para sa mga tao, at maging sa mga buwaya, sinuri ng Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE) ng Tawi-Tawi ang sitwasyon sa lugar.

Hindi kalayuan sa mga kabahayan, may nakitaa agad na isang buwaya na nasa dalawang metro ang laki.

“Malaki talaga ang tiyan. Either may nakain siyang malaki or buntis siya. Ibig sabihin, delikado tayo rito,” anang isang opsiyal.Isa pang buwaya ang namataan din sa lugar na nakita sa silong ng bahay.

Pero sino kaya ang mamamayani sa kanilang sitwasyon? Kailangan kayang hulihin ang mga buwaya, o ang mga tao ang dapat na lumipat?

Alamin ang hakbang na planong gawin ng mga lokal na opisyal sa episode na ito ng “KMJS.” –